Pumunta sa nilalaman

Karina Constantino-David

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Karina R. Constantino-David
Lupon ng mga Katiwala, Paseguruhan ng mga Naglilingkod sa Pamahalaan
Nasa puwesto
2010–2016
PanguloBenigno Aquino III
Personal na detalye
Isinilang
Karina Roxas Constantino

19 Marso 1946(1946-03-19)
Yumao7 Mayo 2019(2019-05-07) (edad 73)
AsawaRandy David
Anak4, kasama si Kara
MagulangRenato Constantino
Letizia Roxas
Alma materUnibersidad ng Pilipinas, Unibersidad ng Victoria sa Manchester
Trabahopropesor, empleyado ng gobyerno

Si Karina Roxas Constantino-David (Marso 19, 1946 – Mayo 7, 2019) ay isang Pilipinang propesor, empleyado ng gobyerno, alagad ng musika, at aktibista.

Unang yugto ng buhay

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong Marso 19, 1946 ay ipinanganak si Karina Roxas Constantino kina Leticia Roxas at Renato Constantino na isang mananalaysay.[1][2][3] Nagtapos siya ng Batsilyer sa Sosyolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas at ng Masteral sa Ekonomika at Araling Panlipunan sa Unibersidad ng Victoria sa Manchester (Ingles: Victoria University of Manchester) sa Inglatera.[4]

Ikinasal siya kay Randy David na isang propesor emeritus sa Unibersidad ng Pilipinas at kolumnista. Ang kanilang mga anak ay sina Kara David na isang mamamahayag, Carlos Primo David na isang propesor sa heolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas, Nadya Melina David, at Jika David.[5][6]

Si Karina Constantino-David ay naging propesor sa pag-unlad ng komunidad (Ingles: community development) at sosyolohiya at tagapangulo ng Departamento ng Community Development sa Unibersidad ng Pilipinas.[2][5]

Serbisyo publiko

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mula 1986 hanggang 1988 ay naging undersecretary si Karina Constantino-David ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (Ingles: Department of Social Welfare and Development). Mula 1998 hanggang 2000 ay pinamunuan niya ang Sangguniang Tagapag-ugnay sa Pagpapaunlad ng Pabahay at Kalungsuran (Ingles: Housing and Urban Development Coordinating Council). Noong sumunod na taon, 2001, hanggang 2008 ay naging pinuno siya ng Komisyon sa Serbisyo Sibil (Ingles: Civil Service Commission).[4] Pagkatapos ng dalawang taon, simula 2010 hanggang 2016 ay nagsilbi bilang kasapi ng Lupon ng mga Katiwala (Ingles: Board of Trustees) ng Paseguruhan ng mga Naglilingkod sa Pamahalaan (Ingles: Government Service Insurance System) si Karina Constantino-David.[2][5]

Naging aktibo si Karina Constantino-David sa pag-oorganisa ng mga komunidad at mga maralitang taga-lungsod sa pamamagitan ng kanyang organisasyon na HASIK (Harnessing Self-Reliant Initiatives and Knowledge).[2] Ang HASIK ang unang gumawa ng manwal para sa pagsasanay sa pagiging sensitibo sa kasarian noong dekada '80. Ang organisasyong ito din ang nanguna sa pagsasanay para sa mga kalalakihan sa pagiging sensitibo sa kasarian.[1]

Isinulong din ni Karina Constantino-David ang mga karapatan ng mga kababaihan sa Pilipinas. Kabilang siya sa mga nagtatag ng Every Woman na isang grupo na isinusulong ang pantay na pagtrato at pagtingin sa mga kababaihan.[2]

Kabilang din si Karina Constantino-David sa mga nagtataguyod ng Child Protection Network na tumutulong sa mga batang biktima ng karahasan at pang-aabuso.[2]

Alagad ng musika

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kompositor at gitarista si Karina Constantino-David.[2] Binuo niya ang grupong Inang Laya kasama si Becky Demetillo Abraham noong dekada 1980 bilang bahagi ng kultural na paglaban sa rehimen ng Pangulong Ferdinand Marcos.[5]

Namatay si Karina Constantino-David noong Mayo 7, 2019 sa edad na 73 taong gulang sa Ospital ng Pilipinas sa Puso (Ingles: Philippine Heart Center).[6]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 Honculada, Jurgette (2019-06-29). "Karina Constantino David: In memoriam". INQUIRER.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-03-29.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: url-status (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 2.6 Solitario, J. Mikhail (2019-05-08). "Dating propesor at CSC Chairperson Karina David, pumanaw sa edad na 73". University of the Philippines (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-03-29.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: url-status (link)
  3. Chiu, Patricia Denise M. (2019-05-12). "Karina David: Songs, stories, service to remember her by". INQUIRER.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-03-29.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: url-status (link)
  4. 4.0 4.1 "CSC mourns passing of former chief David". Philippine Civil Service Commission. 10 Mayo 2019. Nakuha noong 29 Marso 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: url-status (link)
  5. 5.0 5.1 5.2 5.3 Mateo, Janvic (Mayo 9, 2019). "Karina Constantino-David, 73". Philstar.com. Nakuha noong 2024-03-29.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: url-status (link)
  6. 6.0 6.1 Vega, Chito de la (2019-05-08). "Ex-CSC chair Karina David dies". RAPPLER (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-03-29.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: url-status (link)
[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pagpupugay kay Karina Constantino-David ng kanyang anak na si Kara David