Dietrich Bonhoeffer
Si Dietrich Bonhoeffer (pinakamalapit na bigkas [dí·trish bón·he·fer]; 4 Pebrero 1906–9 Abril 1945) ay isang Aleman na pinunong pangrelihyon at kalahok sa kilusang resistance laban sa Nazismo. Isang pastor at teologong Lutherano, nakisapi si Bonhoeffer sa mga tangkang binabalak ng mga kasapi ng Abwehr (Tanggapan ng Intelihensyang Militar; pinakamalapit na bigkas [áp·ver]) na asesinahin si Hitler. Siya ay naarresto, nakulong, at binigti din sa huli matapos ang pagkabigo ng tangkang pagpatay ng 20 Hulyo 1944.
Ipinanganak si Bonhoeffer sa Wrocław (ngayong nasa Poland) sa isang pamilya ng pagitna-hanggang-pantaas na uri. Isang sikyatra sa Berlin ang kaniyang ama; pinaaralan sila ng kaniyang mga kapatid ng kaniyang ina. Bata pa lang ay napasiyahan na niyang maging isang ministro. Sinuportahan siya ng kaniyang mga magulang sa kaniyang desisyon at sa pagkamit ng tamang edad ay nagkolehyo sa Tübingen, tinanggap ang kaniyang doktorado sa teolohiya mula sa Unibersidad Humboldt ng Berlin, at inordena. Nagpalipas siya sa ibayong dagat ng isang taong posgrado ng pag-aaral sa Union Theological Seminary sa Lungsod ng New York. Sa panahong ito, lalagiin niya ang African Methodist Episcopal Church sa Harlem, kung saan nakilala niya ang musikang spiritual na Afroamerikano. Nakatipon siya ng isang malawak na koleksiyon ng mga spiritual na ito na kasalukuyan niyang iniuwi sa Alemanya.
Nagbalik siya ng Alemanya noong 1931 kung saan naglektyur siya ng teolohiya sa Berlin at nagsulat ng maraming aklat. Isang masugid na katunggali ng Nazismo, kalahok siya, kasama nina Martin Niemöller, Karl Barth at iba pa, sa pagtatag ng Bekennende Kirche. Sa mga pagitan ng mga huling buwan ng 1933 at 1935 nagsilbi siya bilang pastor ng dalawang simbahang protestante sa London ng mga tagapagsalita ng Aleman. Nagbalik siya ng Alemanya upang pamunuhan ang isang ilegal na seminaryo para sa mga pastor ng Bekennende Kirche, una sa Szczecin-Zdroje at pagkatapos sa asyendang von Blumenthal sa Groß Schlönwitz, na isinara pagkasiklab ng digmaan. Ipinagbawal din siya ng Gestapo na magsermon, magturo, at sa huli pati na ring magsalita sa publiko. Sa panahong ito, nakilahok nang malapit si Bonhoeffer sa mga katunggali ni Hitler.
Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagtamo si Bonhoeffer ng isang susing papel sa pamumuno ng Bekennende Kirche, na tinutulan ang mga patakarang anti-Semitiko ni Hitler. Isa siya sa mga nagpahiling ng mas malawak na pagtutol sa pagtrato ni Hitler sa mga Hudyo. Bagaman hindi malaki ang Bekennende Kirche, kinatawanan nito ang isang pangunahing fokus ng oposisyong Kristyano sa pamahalaang Nazi sa Alemanya.
Noong 1939 nakisapi si Bonhoeffer sa isang limim na pangkat ng mga matataas na opisyal ng militar sa Abwehr, o Tanggapan ng Intelihensyang Militar, na hangaring pabagsakin ang rehimeng Nazi sa pamamagitan ng pag-asesina kay Hitler. Naarresto siya noong Abril 1943 pagkatapos mai-trace sa kaniya ang halaga ng perang ginamit upang matulungan makalikas ang mga Hudiyo sa Switserland, at nasakdalan siya ng pakikisabwat. Nakulong siya sa Berlin nang isang taon at kalahati. Matapos ang nabigong Sabwatan ng Hulyo 20 noong 1944, natuklasan ang koneksiyon nito kay Bonhoeffer at sa iba pang mga konspirador, at nilipat siya sa isang serye ng mga kulungan at concentration camps at sa huli sa Flossenbürg. Dito, ibinigti si Bonhoeffer sa liwayway ng 9 Abril 1945, tatlong linggo lang bago ng pagpapalaya ng lungsod. Binigti din dahil sa kanilang mga papel sa sabwatan ang kaniyang kapatid na si Klaus at mga bayaw na sina Hans von Dohnányi at Rüdiger Schleicher. Para sa kanilang kahihiyan at dahil sa sadikong trip ng mga SS na nandoon, sapilitang pinahubad nang kompleto ang apat sa kanilang mga selda bago maglakad ng hubo’t hubad sa bibitayan.
Itinuturing si Dietrich Bonhoeffer bilang martir para sa Kristyanismo; ipinawalang-sala siya ng pamahalaang Aleman ng lahat ng mga krimen noong gitnang dekada 1990. Nakatakda sa mga kalendaryo ng Episcopal Church at ng Evangelical Lutheran Church sa Amerika ang Abril 9, ang araw ng kaniyang pagbigti, bilang pag-aalala.
Isang madalas sipiing linyang mula sa isa sa kaniyang mas malalawak na binabasang aklat na Nachfolge (1937) ang nagpahiwatig ng kaniyang kamatayan. Nakasulat, “Kapag ang isa ay tinatawag ni Kristo, siya ay hinihiling na humalina’t mamatay.” Postumong inilathala ang kaniyang mga aklat na Ethik (1949) at Letters and Papers from Prison (1953).
Ang mga teolohiko at pampolitikang dahilan sa paglipat-pananaw mula sa pasipismong Kristyano—na isinulong niya noong gitnang dekada 1930—tungo sa pagbalak ng pagpatay kay Hitler ay malawakang dinedebate.
Naglalaman ang mga liham at papel ni Bonhoeffer mula sa kulungan ng mga di-maliliwanag na pahayag na nakapag-intriga ng mararaming mga teologo, kasama na ang puna tungkol sa isang “religionsloses Christentum” o Kristyanismong walang-relihyon. Hindi maitiyak kung ano ba talaga ang ibig sabihin ni Bonhoeffer dito at sa kaniyang mga iba pang idea. Sinisikap mula noon ng mga teologong Kristyanong makalikha ng isang bagong teolohiya para sa tinawag ni Bonhoeffer na “a world come of age.” Si Bonhoeffer ay isa sa mga kakaunting teologong tinatanggap ng mga liberal at pati na rin ng mga konserbador na Kristyano. Unibersal na sinasang-ayunan na, sa kaniyang kamatayan, nawala sa daigdig ang isa sa mga pinakamaunawang serebrong teolohiko.
Pamangkin ni Bonhoeffer sa kaniyang kapatid na si Sabine ang direktor pang-orkestrang si Christoph von Dohnányi, anak ni Hans von Dohnányi.